Misteryo at himala sa panata ng pagpapako sa krus sa Bulacan Deb Domingo at Miguel Maghinang Paombong, Bulacan- Tradisyon na ang pagpepenitensya sa bansa tuwing Semana Santa. Ang pagpapako sa krus ay hindi lamang panata ng mga kalalakihan sa araw ng Biyernes Santo dahil isa si Precy Valencia sa mangilan-ngilan na babae na may ganitong paniniwala. Taon-taon ay dinarayo ng mga deboto ang Barangay Kapitangan sa Paombong, Bulacan dahil sa talamak ang nagpepenitensya rito. Kabilang na rito ang pagpapako sa krus, pagpapadugo ng likod at pagbubuhat ng krus. Alas siete pa lamang ng umaga ng Biyernes Santo ay dagsa na ang mga tao upang masaksihan ang mga kalalakihan na nagpapadugo ng likuran habang pinapalo at ang pagluhod at pananalangin sa labing-apat na istasyon ng krus. Dumarayo rin ang mga tao sa baran...